Sa susunod na buwan, iuuwi ni Jimboi ang kotse sa probinsya. Namamahalan na sya masyado sa presyo ng gasolina, na tinataya ng mga eksperto na aabot pa ng P65! Idagdag pa ang bayad sa parking na kapag sinuma mo eh magkano din.
Naisip ko, kung kami ni Jimboi na nde pamilyado at masasabi mo namang may magandang trabaho ay ramdam na ramdam ang hirap ng buhay sa Pilipinas, paano pa kaya yung mga karaniwang mangagagawa na bumubuhay ng limang tao?
Nakakamanghang isipin kung paano nila napagkakasya ang kakarampot na sweldong napagiiwanan sa kangkungan ng mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin at kung paano ito hahatiin ng sapat sa pagitan ng pagkain, kuryente, tubig, edukasyon ng anak, gamot kung may sakit, pamasahe, at kung ano pang gastusin. Kakaibang imahinasyon, pagkamalikhain at pagkamaparaan ang ginagamit upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at mairaos ang pangaraw-araw na pamumuhay. Kung may patimpalak na pagalingang magbudget, malamang sa malamang na ang panalo ay isang Pinoy.
Sa papahirap na papahirap na kalagayan ng estado ng buhay, ano ba ang nararapat gawin? Tipirin pang lalo ang salat na salat ng pitaka ni Nena/Juan? Hanggang kelan tayo magtitiis at makakatiis mamaluktot sa umiiksing kumot?
Sa totoo lang hindi ko din alam.
--------------------------------------
Sa kabila ng nararamdamang kahirapan, kapansin pansin naman ang pagdami ng mga malls at iba pang lugar pasyalan sa loob at labas ng lungsod. At ang pagdagsa ng mga taong tumatangkilik sa mga ito.
Marahil ay ginagamit itong daan upang takasan ang realidad ng hirap ng buhay. Marahil ay sawa na ang mga tao sa dramang dulot ng mga personal nilang problema, dagdagan pa ng sirkus sa gobyerno. Maaaring pinipili nilang makaranas ng kapirasong karangyaang nararamdaman nila sa tuwing naglalakad sila sa malalamig na gusali nila Sy at Ayala at napapaligiran sila ng mga mararangyang bagay. Maaaring sa puso ng mga malls, nakukuntento na sila sa pagtingin-tingin at pangangarap. Minsan, masarap magpanggap na wala kang problema at ang lahat ay maayos at matiwasay.
--------------------------------------
Malapit na ang Araw ng Kalayaan ngunit naiisip ko kung may relevance pa ba ang araw na ito? Ayaw ko namang maliitin at ipagwalang halaga ang mga buhay na nabuwis upang madeklara ang "kalayaan" ng Pilipinas ngunit tayo ba ay malaya na talaga?
Sa aking palagay ay hindi pa sapagkat tayo ay natatali pa sa maraming bagay. Nakikiapid pa din tayo sa kahirapan.Nakagapos pa din tayo sa impluwensya ng mga dayuhan. Hindi pa din tayo nakakatakas sa hawla ng bulok na sistema at kurap na mga opisyal. Nadodominahan pa din tayo ng mga patakaran ng iilan. Ang mga bibig natin ay binubusalan. Ang mga kamay natin ay nakakadena pa din. Pati utak natin ay nananatiling bihag ng mga taong nakabaro't saya, nakasutana o naka kurbata.
Ang pagiging malaya ay higit pa sa pagdedeklarang may bagong panganak na republika.
Best Milf Hook Up Websites ES
4 years ago

